"Mayroon pong suporta mula sa magkabilang partido" para sa pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas, ayon kay US Vice President Kamala Harris sa kaniyang pakikipag-usap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes, ilang araw bago siya bumaba sa puwesto bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng tradisyunal na kaalyado ng Pilipinas.
Nag-usap sina Marcos Jr. at Harris sa pamamagitan ng tawag sa telepono nitong Martes ng gabi, wala pang isang linggo bago muling maupo si Donald Trump—na kilala sa kaniyang mga patakarang proteksiyonista—bilang pinuno ng Estados Unidos, ang pinakamalaking tagasuporta ng Pilipinas laban sa pananakop ng China sa West Philippine Sea.
"Ako’y naniniwala na may suporta mula sa magkabilang panig ng Kongreso at sa loob ng Estados Unidos para sa tibay ng ating relasyon at sa patuloy nitong paglago sa aspeto ng seguridad, kaunlaran, at lalo na sa ugnayan ng mga tao," sabi ni Harris.
"Mahalaga para sa akin at sa Estados Unidos na muling pagtibayin ang ating pangako sa depensa ng Pilipinas, kabilang ang South China Sea," dagdag pa niya.
Nagpasalamat si Marcos kay Harris para sa kaniyang naging ambag sa pagpapalalim ng ugnayan sa pagitan ng Manila at Washington, lalo na sa mga larangan ng ekonomiya, diplomasya, depensa, at seguridad.
"Kahanga-hanga ang dami ng nagawa at ang progreso sa relasyon ng ating dalawang bansa," pahayag ng Pangulong Pilipino.
"Isang napakalakas na relasyon na patuloy na umuunlad upang harapin ang mga modernong hamon na ating kinakaharap, hindi lamang dito sa South China Sea kundi pati na rin sa buong mundo kasama ang Estados Unidos," dagdag niya.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng kasunduang trilateral na nilagdaan ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan noong Abril 2024.
"Gaya ng sinabi ko kay Pangulong Biden nang kami ay mag-usap… babaguhin nito ang dinamiko ng South China Sea at Indo-Pacific, at tiyak na nagawa nito iyon," ani Marcos.
Umaasa ang Pilipinas na "mapalago pa ito at ipagpatuloy ang pakikipagtrabaho" kasama ang Estados Unidos sa mga programang nakabatay sa mga pinagsasaluhang halaga at pandaigdigang batas, aniya.
Bago natapos ang tawag, inimbitahan ni Marcos Jr. si Harris na muling bumisita sa Pilipinas.
Nagkita na sina Marcos Jr. at Harris ng hindi bababa sa limang beses mula 2022 hanggang 2024 sa Manila, Jakarta, San Francisco, at Washington DC.
Ang kanilang pag-uusap sa telepono ay naganap ilang araw matapos makipag-usap si Marcos sa papalabas na US President Joe Biden sa isang trilateral na video call kasama si Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba.
Ang pagbabalik sa kapangyarihan ni Trump ay ikinababahala ng ilang mga analista, dahil ilang beses nang sinabi ng lider ng Republican na babawasan niya ang pondo ng US para sa mga kaalyado nitong bansa at maglulunsad ng panibagong kampanya laban sa mga imigrante sa pinakamalaking ekonomiya sa mundo.
Manunumpa si Trump sa tungkulin sa Enero 20. Hindi inimbitahan si Marcos sa kaganapan, ngunit kakatawanin siya ng US Ambassador to the Philippines na si Jose Manuel Romualdez.