Sa harap ng nalalapit na pagsasara ng TikTok sa Estados Unidos, ang mga Amerikanong content creator ay lumipat sa isa pang Chinese social media app.
Ang Xiaohongshu, na kilala rin bilang Red Note sa Ingles, ay mabilis na pumalo sa tuktok ng Apple App Store downloads noong Lunes, dahil sa pagdagsa ng mga user na naaakit sa Instagram-meets-Pinterest na layout nito.
“Oh, ayaw n’yo bang mapasakamay ng mga Chinese ang ating napakasensitibong personal na data?” sarkastikong tanong ng influencer na si Jen Hamilton sa kanyang video na ibinahagi sa kanyang 3.9 milyong tagasunod sa TikTok, habang ina-advertise ang kanyang paglipat.
Noong nakaraang taon, nagpasa ang gobyerno ng US ng batas na pumipilit sa Chinese owner ng TikTok na ByteDance na ibenta ang wildly popular platform o isara ito. Ang batas ay ipapatupad sa Linggo.
Habang tinutuligsa ng mga kritiko ng batas ang umano’y pagsupil nito sa kalayaan sa pagpapahayag, iginiit naman ng gobyerno ng US na ginagamit umano ang TikTok upang makolekta ng Beijing ang data ng mga user, maniktik, at magpakalat ng propaganda.
Mariing itinanggi ng China at ByteDance ang mga paratang.
Hindi naman alintana ng mga user tulad ni Hamilton ang mga usaping ito.
“Walang makakapaniwala kung gaano kaliit ang pakialam ko kung nasa kamay man ng mga Chinese ang data ko,” sabi niya sa kanyang video, kung saan nagbiro pa siya tungkol sa isang user na “pinalitan ang kanilang username ng kanilang social security number” para umano'y “ma-promote nang mas mabilis ang mga espiya.”
“Tara, lipat na,” paanyaya niya sa kapwa niyang mga “TikTok refugee.”
Kahit halos buong platform ng Xiaohongshu ay nasa Mandarin, hindi ito nakakapigil sa mga curious na Amerikano.
Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 170 milyong user ang TikTok sa Estados Unidos.