Habang naglalagablab ang mga wildfire sa Los Angeles na animo'y eksena mula sa isang Hollywood disaster movie, ramdam na ng industriya ng aliwan sa lungsod ang epekto ng panibagong matinding dagok na hindi na kaya ng mga manggagawa nito.
Nawalan ng tirahan ang mga aktor, crew, manunulat, at producer; pansamantalang tumigil ang produksyon ng mga pelikula at palabas sa telebisyon; at dumarami ang panawagan na kanselahin ang award season ng Hollywood.
Ito ay nagaganap habang ang industriya ng aliwan sa Los Angeles, na nagkakahalaga ng $115 bilyon sa ekonomiya ng rehiyon, ay nasa krisis na. Ang mataas na gastos ay nagdulot ng pag-abandona ng ilang produksyon, bukod pa sa epekto ng pandemya ng Covid-19 at mga kamakailang protesta ng mga manggagawa.
“Matindi ang naging epekto ng pandemya sa Hollywood. Ang mga welga ay nagdulot ng pagbabago sa industriya na maaaring pangmatagalan,” ayon kay Marc Malkin, senior culture and events editor ng Variety, isang trade magazine.
“Idagdag mo pa ang mga wildfire, at sunod-sunod ang dagok sa Hollywood.”
Ang mga bituin tulad nina Anthony Hopkins, Mel Gibson, at Billy Crystal ay nawalan ng mga bahay dahil sa mga sunog nitong nakaraang linggo.
Ngunit ito ay maliit na bahagi lamang ng problema. Libu-libong bahay ang nasira sa isang lungsod kung saan 680,000 katao ang nagtatrabaho sa industriya ng aliwan o sa mga serbisyong sumusuporta rito.
Produksyon na Naapektuhan
Ilan sa mga palabas tulad ng "Grey's Anatomy," "NCIS," "Hacks," at "Fallout" ang natigil ang produksiyon mula nang magsimula ang mga sunog.
Ang mga bahagi ng lungsod kung saan matatagpuan ang malalaking soundstage, kabilang ang Burbank, ay nanganganib din ngunit sa ngayon ay nakaligtas.
Ang Film LA, na nagbibigay ng permiso para sa outdoor movie at TV shoots, ay nagbabala sa mga producer na nasa evacuation zones na maaaring makansela ang kanilang mga permit. Sinabi rin nila na magkakaroon ng kakulangan sa safety supervisors sa mga set.
Dahil sa makapal na usok at abo sa buong rehiyon, apektado rin maging ang mga produksiyon na balak mag-shoot sa mas malalayong lugar.
“Kung magsho-shoot ka sa labas ng Los Angeles ngayon, hindi maganda. Napakasama ng kalidad ng hangin,” ayon kay Malkin.
‘Glitz-and-Glamor’
Wala pang malinaw na petsa kung kailan muling magsisimula ang mga produksiyon. Bukod sa mga problemang teknikal, kailangang isaalang-alang ng industriya ang sensibilidad ng pagbabalik sa normal habang patuloy na nasusunog ang malaking bahagi ng Los Angeles.
Partikular na sensitibo ang isyung ito sa kasalukuyang award season ng Hollywood—isang walang katapusang serye ng magagarbong premiere, gala, at seremonya ng parangal na pansamantalang itinigil.
Ang Critics Choice Awards ay naantala, at kinansela ang Los Angeles premieres para sa mga pelikulang "The Last Showgirl" ni Pamela Anderson at ang Robbie Williams biopic na "Better Man."
Maging ang premiere ng hit Apple TV show na "Severance" sa New York ay hindi natuloy.
“Ang tamang hakbang na ginagawa ng mga studio at streaming services ay ang pagkansela o pagpapaliban ng magagarbong event,” ani Malkin.
“Kapag ang mga tao’y naglalakad sa red carpet nang magara habang literal na nasusunog ang Los Angeles, parang hindi nararapat marinig ang tungkol sa kanilang fashion o mga nakakatawang kuwento sa set.”
Maging ang televised announcement ng mga nominado para sa Oscars ngayong taon ay ipinagpaliban.
“So many of our members and industry colleagues live and work in the Los Angeles area, and we are thinking of you,” ayon kay Academy CEO Bill Kramer sa isang mensahe para sa mga miyembro.
Hinikayat ng aktres na si Jean Smart mula sa “Hacks” na gawing mas malayo pa ito, at kanselahin na ang buong season.
"Sa LAHAT ng respeto, ngayong panahon ng pagdiriwang sa Hollywood, sana’y seryosong isaalang-alang ng mga network na huwag nang i-televise ang mga parangal at ibigay ang kita mula rito sa mga biktima ng sunog at mga bumbero," isinulat ni Smart sa Instagram.
Habang marami sa Hollywood ang walang gana para magdiwang, nagbabala si Malkin na ang pagkansela ng buong season ay magdudulot ng malaking epekto sa mga hair-and-makeup artist, waiter, driver, at security staff.
“Oo, magiging maayos ang mga celebrity, sa aspetong pinansyal,” ani Malkin.
“Ngunit isipin mo ang mga tao sa likod ng bawat award show—mga gig worker na umaasa sa kanilang suweldo. Magiging napakalaking dagok nito.”