Inilunsad ng gobyerno ang isang malawakang operasyon para hanapin ang 11,000 ilegal na manggagawa sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nabigong lisanin ang bansa bago matapos ang 2024, ayon sa itinakdang deadline.
Nagbigay ng matinding babala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga indibidwal na ito, hinihimok silang sumuko upang maiwasan ang mabigat na parusa, kabilang ang permanenteng pag-blacklist, deportasyon, at iba pang legal na kaparusahan.
"Malinaw ang direktiba ng Pangulo na walang lugar ang mga POGO dito sa Pilipinas," ani Remulla. "Hindi magdadalawang-isip ang Administrasyong ito na protektahan ang kapakanan at seguridad ng mga Pilipino."
Ang Bureau of Immigration (BI) ay naghahabol sa mga dayuhang hindi sumunod sa deportasyon at patuloy na nagtatrabaho para sa mga ipinagbawal na POGO. Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga pasaway na dayuhan ay "aarestuhin, idedeport, at ilalagay sa blacklist. Walang exemptions."
Inamin ni BI spokesman Dana Sandoval na mahirap matunton ang mga manggagawa, lalo na ang mga nagtatago sa mga residential area.
Nagbabala rin si Sandoval sa publiko laban sa pagtatago ng mga dating POGO worker, binigyang-diin na ang ganitong aksyon ay maituturing na pag-alalay sa mga ilegal na dayuhan.
Sinimulan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inspeksyon sa mga komersyal at residential na establisyimento bilang bahagi ng mga aktibidad sa pag-renew ng business permit upang matukoy ang mga ilegal na POGO site.