Ang mga taong ipinanganak mula 2025 hanggang 2039 ay tinawag na Generation Beta ayon sa McCrindle Research, isang Australianong institusyong nagsasaliksik sa lipunan na pinangungunahan ng generational analyst at demographer na si Mark McCrindle.
Ayon sa kanila, ang Gen Beta ay mamumuhay sa panahon kung saan ang mundo ng digital at pisikal ay magiging tuluyang magkaugnay.
"Habang ang Generation Alpha ay nasaksihan ang pag-usbong ng matatalinong teknolohiya at artificial intelligence (AI), ang Generation Beta naman ay mabubuhay sa panahon kung saan ganap nang bahagi ng araw-araw na buhay ang AI at automation – mula sa edukasyon at trabaho hanggang sa kalusugan at libangan," ani ng McCrindle.
Dagdag pa nila, sila rin ang unang henerasyon na maaaring makaranas ng malawakang autonomous na transportasyon, mga naisusuot na teknolohiya para sa kalusugan, at mga virtual na kapaligiran bilang pangkaraniwang bahagi ng pang-araw-araw na buhay.
Mas Personal na Buhay
Ang kanilang kabataan ay itatakda rin ng mas mataas na pokus sa personalization gamit ang mga AI algorithm upang iakma ang mga mahahalagang aspeto ng kanilang buhay tulad ng pag-aaral, pamimili, at pakikisalamuha.
Sa gitna ng mga pagbabagong ito, ang Generation Beta ay lalaki sa lipunan na tinutukan ang mga isyu tulad ng pagbabago ng klima, paglilipat ng populasyon, at mabilis na urbanisasyon.
“Ang pagiging sustainable ay hindi na lamang kagustuhan kundi isang inaasahan,” ayon sa McCrindle.
Dagdag pa rito, ang Gen Beta ay aalagaan ng mga Millennial at mas nakatatandang Gen Z na mga magulang na nagtataguyod ng adaptability, pagkakapantay-pantay, at kamalayang pangkalikasan sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Bagong Pagkakakilanlan
Ayon sa McCrindle, ang pagiging global-minded, community-focused, at collaborative ang ilan sa mga katangian na iiral sa Generation Beta. Bibigyang-diin sa kanilang pagpapalaki ang kahalagahan ng inobasyon hindi lamang para sa kaginhawaan, kundi para rin sa paglutas ng mga mahahalagang isyu ng kanilang panahon.
Kasabay nito, magbabago rin ang paraan ng pagiging magulang. Kung ang mga magulang ng millennial ay madalas gumamit ng social media upang idokumento ang buhay ng kanilang mga anak, ang Gen Z na mga magulang ay mas nakatuon sa paglilimita ng screen time ng kanilang mga anak.
"Alam ng mga magulang mula sa Gen Z ang mga benepisyo at panganib ng teknolohiya kaya’t sinisikap nilang kontrolin ang edad kung kailan maa-access ng kanilang mga anak ang teknolohiya," ayon sa ulat.
Ang Generation Beta ay magtataglay ng balanse sa pagitan ng hyper-connectivity at personal na pagpapahayag. Babaguhin nila ang kahulugan ng belonging, pinagsasama ang personal na relasyon at mga global na digital na komunidad.
“Ang henerasyong ito ay magiging simbolo ng isang bagong panahon,” dagdag pa ng McCrindle.
Mamumuhay sila sa mundo ng makabagong teknolohiya, nagbabagong panlipunang pamantayan, at lumalaking pokus sa sustainability at global citizenship.
Ang pagkilala sa kanilang mga pangangailangan, halaga, at kagustuhan ay magiging mahalaga upang maunawaan kung paano nila huhubugin ang hinaharap ng lipunan.