Magsasagawa ang House of Representatives ng imbestigasyon kaugnay sa kung paano ginagastos ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pondo nito matapos matuklasan ang bilyun-bilyong pisong “sobra” sa pondo ng ahensya.
“Sa susunod na taon, sisimulan ng Kongreso ang isang masusing at patas na imbestigasyon sa pamamahala ng pondo ng PhilHealth. Ang layunin nito ay hindi para sisihin ang sinuman, kundi para maghanap ng solusyon,” ani Speaker Martin Romualdez sa kanyang talumpati bago mag-holiday break ang Kongreso.
Tiniyak ni Romualdez sa publiko na ang gagawing pagsisiyasat ay sisiguraduhing bawat piso sa kaban ng PhilHealth ay magagamit nang tama para sa kapakanan ng mga miyembro nito—mga masisipag na Pilipinong buwan-buwan na nagbibigay ng kontribusyon.
Ayon kay Romualdez, kapag napatunayan na may “hindi nagagamit” o “sobrang” pondo ang PhilHealth na hindi kailangan para sa kasalukuyang operasyon, isusulong nila ang pansamantalang pagtigil ng kontribusyon ng mga miyembro, pagbabawas sa premium contributions, at pagpapalawak ng benepisyo hanggang maabot ang "zero billing."
Noong nakaraang linggo, inihayag ng mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability na bukod sa P60 bilyong “sobra” sa pondo ng PhilHealth na nailipat sa National Treasury, mayroon pa itong bilyun-bilyong pisong pondo na maaaring magamit bago matapos ang taong 2024.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., mayroon silang P150 bilyong surplus, P281 bilyong reserba, at investment portfolio na halos P489 bilyon hanggang Oktubre. Ipinaliwanag naman ni PhilHealth Chief Financial Officer Renato Limsiaco na ang mga sobrang pondo, matapos bayaran ang mga benepisyo, ay inilalagay sa mga investment.
“Kapag nabayaran na ang mga benepisyo, ang sobrang pera ay gagamitin para sa investments,” ani Limsiaco.
Pinuna naman ng mga lider ng House of Representatives ang PhilHealth dahil mas inuuna nito ang investments kaysa sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa mahigit 110 milyong Pilipino. Dahil dito, nanawagan ang mga mambabatas para sa pagbabawas ng premium at reporma na magpapakinabang sa milyon-milyong miyembro nito.
Sa nakaraang pagdinig ng komite ni Rep. Joel Chua, binatikos ng mga mambabatas ang patuloy na paglobo ng pondo ng PhilHealth, dahilan upang ipanukala ng Kongreso na alisin ang subsidiya para sa ahensya sa ilalim ng P6.35 trilyong pambansang badyet para sa 2025.
Ipinaliwanag ni Ledesma na matatag ang pananalapi ng PhilHealth at nag-anunsyo pa ng plano na dagdagan ng 50 porsyento ang coverage ng karamihan sa case rate packages nito.
Gayunpaman, ipinahayag ng mga kinatawan ang pagkadismaya dahil sa kabila ng mataas na bilang ng reserba at investment ng PhilHealth, hindi pa rin nito nagagawang makapagbigay ng makabuluhang ginhawa para sa mga Pilipinong nahihirapan sa tumataas na gastos sa serbisyong pangkalusugan.
“Ibig bang sabihin nito na ang subsidiya na dapat sana ay para sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan ay inilaan sa investments sa halip na sa kalusugan?” tanong ni Chua.
“Tila mas inuuna ninyo ang aspeto ng investments kaysa sa serbisyong pangkalusugan, na siyang nasasakripisyo ngayon. Ang pokus ninyo dapat ay ang pagpapabuti ng health care benefits. Ang tunay na investment dito ay ang buhay ng ating mga kababayan,” giit niya.