Dahil sa zero subsidy na inilaan ng Kongreso para sa PhilHealth sa 2025 sanhi ng umano’y mismanagement, nanawagan ang labor coalition na NAGKAISA na tanggalin ang mga board members ng PhilHealth. Ayon sa grupo, hindi dapat parusahan ang mga manggagawa sa mga pagkukulang ng ahensya. Hiniling din nila sa Pangulong Marcos na agarang magpatupad ng reporma sa PhilHealth upang matiyak ang dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Ayon kay NAGKAISA chair Sonny Matula, ang kawalan ng subsidy ay magdudulot ng mas malaking pasanin sa mga manggagawa, lalo na sa gastusin sa ospital. Bagamat may sapat na pondo ang PhilHealth, sinabi ni Matula na hindi ito nagagamit nang maayos upang mapabuti ang mga benepisyo ng mga miyembro. Sinusuportahan din ni Rep. Raul Bongalon ang panawagan na imbestigahan ang P700 bilyong reserve fund ng PhilHealth upang masigurong hindi ito naaabuso.
Samantala, binatikos ni Rep. Rufus Rodriguez ang planong P138 milyong budget ng PhilHealth para sa 2025 anniversary celebration. Iminungkahi niyang bawasan ito nang malaki at ilaan ang pondo sa serbisyong medikal, tulad ng dialysis treatment. Nanawagan din si Sen. JV Ejercito ng oversight hearing upang suriin ang implementasyon ng Universal Healthcare Law at matiyak na nararamdaman ng mga Pilipino ang mga benepisyong dapat nilang matanggap.