Matapos ang pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte na nagbabantang ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez, mabilis na kinondena ng mga ahensya ng gobyerno ang kanyang mga sinabi.
Bilang tugon, naglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena noong Nobyembre 26, na humihiling kay Duterte na linawin ang kanyang mga pahayag.
Isa sa mga posibleng kaso na maaring isampa laban sa kanya, batay sa subpoena, ay ang paglabag sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Law (ATL), na pinirmahan ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang ATL ay isa sa mga pinaka-kontrobersyal na batas sa bansa, na may 37 petisyon na humihiling ng pagpapawalang-bisa nito dahil sa malabong depinisyon ng terorismo, labis na kapangyarihan ng mga ahensya ng gobyerno, at pinalawig na panahon ng detensyon para sa mga pinaghihinalaang terorista kahit walang kaso.
Gayunpaman, nilinaw ni NBI chief Jaime Santiago na hindi pa sinasampahan ng kaso si Duterte, at ang subpoena ay bahagi lamang ng imbestigasyon.
Bakit Anti-Terror Law?
Sa isang press conference noong Nobyembre 27, sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na ang pahayag ng bise presidente ay maaaring ituring na paglabag sa Section 4 (a) ng ATL.
“Kapag kayo ay gumawa ng hakbang para saktan o bigyan ng banta ang buhay ng ibang tao, kasama po ‘yan sa terorismo. Lalo na po kung purpose niyan ay to intimidate and create an atmosphere of fear,” paliwanag ni Andres.
“Isipin niyo ang sitwasyon kung saan ang bise presidente ay inaakusahan ng balak laban sa buhay ng pangulo, at pagkatapos ay mamatay ang pangulo. Tanggapin ba ng mga tao na ang bise presidente ang hahalili bilang pangulo kahit may duda sa paraan ng kanyang pag-akyat sa puwesto? Napakaseryoso po nito,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Andres na may mga hakbang na ginawa upang simulan ang banta sa buhay ng pangulo, batay na rin sa sariling pag-amin ni Duterte na may kinausap na siyang tao para isakatuparan ang plano.
“Mayroon akong acts that commenced the threat to the life of the president dahil nanggaling din sa kanyang bibig na mayroon na siyang kinausap na tao na in-identify na kung sino ang mga target,” ani Andres.
“Binigay na po ang pangalan, maliwanag na po ang instruction at kung ano po ang gagawin. At nung tinanong kung kaya niyang gawin sa tatlong target, ang sabi po, ‘yes.’ Ito ay hindi biro,” dagdag niya.
Binanggit din ni Andres na ang konteksto ng insidente ay mahalaga, dahil ang bise presidente ang magiging “beneficiary” kung sakaling mamatay o hindi na magampanan ng pangulo ang kanyang tungkulin.
Ayon sa Konstitusyon ng 1987, kung sakaling mamatay, magkasakit nang malubha, matanggal sa puwesto, o magbitiw ang pangulo, ang bise presidente ang papalit sa posisyon at tatapusin ang natitirang termino.
Kaparehong Kaso Laban sa Isang Opisyal
Isa pang pampublikong opisyal na kinasuhan sa ilalim ng Anti-Terrorism Law ay ang napatalsik na mambabatas na si Arnolfo Teves Jr., na inilarawan ni Duterte sa kanyang press conference na gumagamit ng "parehong taktika" laban sa kanya.
Noong Agosto 2023, idineklara ng Anti-Terrorism Council si Teves bilang isang terorista, na inakusahan siyang pinuno ng isang armadong grupo na sangkot sa mga pagpatay at serye ng harassment incidents sa Negros Oriental.
Isa sa mga proseso upang ideklarang terorista sa ilalim ng Anti-Terrorism Law ay ang "designation." Sa oras na maideklara, maaaring i-freeze ng Anti-Money Laundering Council ang mga ari-arian ng indibidwal.
Sa isang press conference noong Nobyembre 27, sinabi ng bise presidente na may nakatagong motibo sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanya sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.
“Gusto nilang kanselahin ang aking pasaporte, ipalagay akong red notice internationally [ng Interpol] para hindi ako makapagbiyahe, sampahan ng kaso para i-freeze ang aking mga pera at ari-arian, at maglabas ng mga search warrants,” ani Duterte sa halo-halong Ingles at Filipino.