Ayon sa opisina ng imigrasyon ng Indonesia, isang puganteng nasa listahan ng Interpol ang isinuko sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Martes matapos itong maakusahan ng panloloko sa libu-libong tao ng halagang $68 milyon sa isang casino-related scheme.
Ayon sa Securities and Exchange Commission ng Pilipinas, si Hector Aldwin Liao Pantollana ay sangkot sa isang Ponzi scheme na nangako ng malaking kita para sa mga nag-invest sa casino junket industry—isang sistema ng pagre-recruit ng mga malalaking sugarol upang magsugal.
Noong Mayo, sinampahan ng kasong kriminal si Pantollana, ngunit sinabi ng mga awtoridad ng Pilipinas na matagal na itong tumakas sa bansa.
Naaresto si Pantollana noong Nobyembre 9 sa holiday resort island ng Bali, Indonesia habang tinatangkang sumakay ng eroplano patungong Hong Kong, ayon kay Saffar Muhammad Godam, acting director general ng Indonesian Immigration Office.
"Batay sa datos, natuklasan naming pumasok siya sa Indonesia sa pamamagitan ng Ngurah Rai International Airport noong Oktubre 10," ayon kay Saffar sa isang press conference na dinaluhan din ng kalihim ng lokal na opisina ng Interpol.
Sinabi ni Saffar na ang puganteng nasa red list ng Interpol ay isinuko sa embahada ng Pilipinas noong Martes at lilipad pabalik ng bansa sa Miyerkules.