Kinilala ng Miss Universe ang apat na continental queens mula sa 125 na lumahok sa edisyong ginanap sa Mexico ngayong taon. Tulad ng isa sa mga tungkulin ng reigning Miss Universe, magsisilbing mga ambassador ang mga continental queens para sa kani-kanilang kontinente.
Si Chelsea ang napiling continental queen para sa Asya. Kasama niya sina Matilda Wirtavuori ng Finland bilang continental queen para sa Europa at Gitnang Silangan, Tatiana Calmell ng Peru para sa Americas, at Chidimma Adetshina ng Nigeria para sa Africa at Oceania. Si Chidimma rin ang first runner-up ng bagong kinoronahang Miss Universe na si Victoria Kjær Theilvig ng Denmark. Kung sakaling hindi magampanan ni Victoria ang kanyang mga tungkulin, si Chidimma ang hahalili bilang Miss Universe. Samantala, si Tatiana ay naging roommate ni Chelsea sa kompetisyon.
Ang apat na continental queens ay ginawaran ng kanilang mga titulo at sash pagkatapos ng unang press conference ni Victoria bilang Miss Universe, kasama ang ilang opisyal ng organisasyon.
Nakasuot pa rin si Chelsea ng feathered tiffany evening gown na idinisenyo ng kapwa Bulakenyo na si Manny Halasan, na hindi niya masyadong naipakita sa entablado dahil natapos ang kanyang laban sa Top 30.
Matapos makilala ang mga continental queens, ibinunyag ng Miss Universe Organization na posibleng ganapin ang edisyon ng 2025 sa India, South Africa, Thailand, Costa Rica, Dominican Republic, Spain, Argentina, o Morocco.
Si Victoria, na nagdiwang ng kanyang ika-21 kaarawan ilang araw bago ang coronation night, ang kauna-unahang Miss Universe mula sa Denmark at ang unang nagwagi mula sa Europa mula nang tanghalin ang French titleholder na si Iris Mittenaere noong 2016.