Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes, Nobyembre 11, ang isang bagong batas na nagpapagaan ng mga insentibo sa buwis para sa mga negosyo sa Pilipinas, kabilang ang pagbubuwis sa mga kompanya sa mga espesyal na economic zone.
Ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) ay nag-aamyenda sa CREATE law, na nilikha upang pababain ang corporate income tax rates para sa mga negosyo na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
"Pinahusay natin ang ating sistema ng buwis at insentibo, at ginagawang mas kaakit-akit para sa pamumuhunan—habang nananatili ang prinsipyo ng maingat at matatag na pananalapi. Ang CREATE MORE ay nagpapalinaw sa mga patakaran ng paggamit ng VAT (value added tax) at duty incentives, at pinalalawak pa ang saklaw nito upang maisama ang mga non-registered exporters at high-value domestic market enterprises," ayon kay Marcos.
Muling naging kwalipikado para sa VAT incentives ang mga rehistradong negosyo para sa mga gastusin na mahalaga sa kanilang mga operasyon.
"Ito ay nangangahulugang ang mga mahahalagang gastusin—yaong kinakailangan at may kaugnayan sa kanilang operasyon—ay muli nang maaaring zero-rated, tulad noong bago ipatupad ang CREATE Act," sabi ni Marcos.
Kabilang sa mga mahahalagang pagbabago sa batas ang pinaikling proseso ng VAT at excise refund, pagbabawas ng mga kinakailangan sa pagsunod, at paglilinaw sa lokal na pagbubuwis sa panahon ng Income Tax Holiday at Enhanced Deductions Regime.
Mayroon ding mas malaking tax relief para sa mga negosyo sa ilalim ng Enhanced Deductions Regime, kabilang ang pagbaba ng income tax rates mula 20% hanggang 25%. Magkakaroon din ng mga bawas sa gastusin sa kuryente at 50% na pagbawas sa tourism reinvestments at trade fair expenses.
Nagbibigay rin ang CREATE MORE ng malinaw na regulasyon para sa mga work-from-home setups sa mga ecozone.
Dahil sa pandemya, maraming nagsimulang magtrabaho mula sa bahay, na nagkaroon ng epekto sa mga negosyo sa loob ng ecozones na tumatanggap ng insentibo sa buwis. Nakasaad sa batas na ang mga rehistradong proyekto ng negosyo ay dapat nasa loob ng heograpikal na saklaw ng zone o freeport upang makapag-avail ng tax break, ngunit maaaring hanggang 50% ng mga empleyado ay magtrabaho mula sa bahay.
"Bilang pagkilala sa lumalaking trend ng work arrangements sa buong mundo, ang batas na ito ay nagbibigay ng flexibility sa mga rehistradong negosyo na magpatupad ng Work-from-Home arrangements para sa hanggang kalahati ng kanilang workforce, nang hindi nawawala ang kanilang eligibility sa insentibo. Sa pamamagitan nito, inilalagay natin ang Pilipinas bilang isang progresibong ekonomiya na handang tugunan ang mga pangangailangan ng digital age," ayon kay Marcos.
Ang CREATE MORE ay nakatakdang hikayatin ang mga mamumuhunan sa Pilipinas habang pinapadali ang proseso ng pagnenegosyo. Sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na ang batas ay makakatulong sa paglikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho.
"Ang CREATE MORE ay magbubukas ng mas maraming de-kalidad na pamumuhunan mula sa ating mga internasyonal at lokal na mamumuhunan. Hindi lamang ito panghihikayat ng mga bagong pamumuhunan at palaguin ang mga umiiral na negosyo, kundi nagpapataas din sa kita ng ating mga kababayan at nagpapababa ng kahirapan," ayon kay Recto.
Sinabi rin ni Senate President Francis Escudero na matagal nang hinahanap ng mga may-ari ng negosyo ang malinaw na mga patakaran sa pagbubuwis.
"Ang pinakamahalaga ay magdudulot ito ng mas paborableng klima sa pamumuhunan na lilikha ng mas maraming trabaho, magsusulong ng pag-unlad nang hindi nakakasama sa ating revenue base," ani Escudero.
Samantala, sinabi rin ni House Speaker Martin Romualdez na may mga reklamo mula sa mga may-ari ng negosyo tungkol sa mga kalituhan sa unang CREATE law. Kinailangang agad umaksyon ang mga mambabatas upang mapanatili ang mga kasalukuyang pamumuhunan.
"Umaasa kaming ang mga pagbabagong ito ay makakasapat sa ating mga kasalukuyang mamumuhunan at makahihikayat ng mas marami pang dayuhang kapital. Ang pagsasabatas ng bagong batas ay nagpapakita ng ating matibay na commitment na panatilihin at akitin ang mga pamumuhunan na mag-iingat ng trabaho at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan," ani Romualdez.