Kung si Senator Raffy Tulfo ang masusunod, nais niyang itaas sa P50,000 ang multa para sa mga pribadong sasakyang dumadaan sa EDSA bus lane mula sa kasalukuyang P5,000. Naniniwala siya na dapat ng palakihin ang multa dahil ang P5,000 ay maliit lamang para sa mga nahuhuling lumalabag.
"Dapat itaas ang multa dahil maliit lang ang P5,000; gawin natin P50,000," ayon kay Tulfo.
Muling naging mainit ang isyu ng mga pribadong sasakyang dumadaan sa EDSA bus lane matapos tumakas ang isang pribadong sasakyan na may plate number 7, na eksklusibong ginagamit ng mga senador. Ayon kay Tulfo, hindi na dapat pahirapan ng pasahero ng SUV ang publiko at mas mabuting aminin na lamang ng sakay ng sasakyan ang kanilang pagkakasala.
Dagdag pa ni Tulfo, ayon sa impormasyong natanggap niya, kamag-anak umano ng isang senador ang sakay ng naturang SUV. Bago pa man ito, nabanggit ang pangalan ni Sen. Sherwin Gatchalian, subalit hindi siya ang sakay ng SUV.
Sinabi rin ni Tulfo na ngayon ay tila pinaghihinalaan ang lahat ng 24 na senador, ngunit naniniwala siyang walang senador ang direktang sangkot sa kontrobersiya sa EDSA.
"Ako, kung ako ang nasa lugar ng pasahero, hindi ko na pinapahirapan ang marami. Aminin na lang, sabihin na nagkamali. I Surrender ang driver at mag-apologize. Sa ngayon kasi, ang nangyayari ay pinagbibintangan ang 24 na senador natin, at alam ko na wala ni isa sa kanila ang sangkot sa eskandalo ng ‘yun sa EDSA," ani Tulfo.