Isang sport utility vehicle (SUV) na may plaka na may numerong “7” na nakatalaga sa mga senador ang iligal na pumasok sa EDSA bus lane noong Linggo at muntik ng mabangga ang isang traffic enforcer, ngunit sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na pekeng plaka ito.
“Ang paunang impormasyon namin batay sa pagsusuri sa mga ebidensya ay ang ‘7’ protocol plate na nakakabit sa SUV sa viral video ay peke, at walang protocol plate na ibinigay sa parehong uri ng sasakyan,” ayon sa pahayag ng LTO kahapon.
Ang “7” protocol plate ay karaniwang nakalaan para sa mga senador.
Nangyari ang insidente bandang 6:58 ng gabi sa northbound exclusive bus lane ng Guadalupe Station.
Sa isang video na ibinahagi sa social media, makikita si Sarah Barnachea, isang traffic enforcer mula sa Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), na kinukunan ang sarili habang nakatayo sa harap ng SUV – na iligal na pumasok sa exclusive lane – at paulit-ulit na sinabihan ang driver na huminto.
Inakusahan ang driver na tinangka nitong banggain si Barnachea.
Matapos ang ilang sandali, sinabihan ni Barnachea ang driver na umatras mula sa lane, na ginawa naman ng driver. Nang muling pinahinto para ma-verify ang kanilang pagkakakilanlan at makuha ang lisensya ng driver, patuloy na umatras ang SUV, hindi pinansin ang kanyang mga hiling.
Ang isa pang enforcer na kinilalang si Secretariat Reyno ay tumulong. Naririnig ang isang boses na sinabihan si Barnachea na mag-ingat at huwag matamaan ng SUV habang patuloy itong umatras.
Makikita ang isang lalaki sa passenger side na nagbibigay ng direksyon at sinabihan ang driver na umatras, habang isang pasahero sa likod na sandaling nagbukas ng bintana at tila kumuha ng litrato o video kay Barnachea.
Patuloy na umatras ang SUV hanggang sa makahanap ito ng bukas sa harang ng bus lane, kung saan ito tumakas.
Inilarawan ng DOTr-SAICT ang insidente bilang isang “nakakabahala ng pangyayari,” na binanggit na isang lalaking pasahero ang umano'y nagtaas ng gitnang daliri habang sila ay tumatakas.
“Tulad ng aktibong tugon namin sa mga insidente ng inuulit ng publiko at ang mga nag post sa social media, ang inyong LTO ay nagsimula nang imbestigahan ang viral video na ito batay sa ulat ng aming monitoring team. Maliwanag na may mga paglabag na naganap at kabilang dito ang asal ng driver ng SUV na naglagay sa peligro ng mga enforcer ng DOTr-SAICT na nagsasagawa lamang ng kanilang tungkulin,” dagdag pa ng LTO.
Sinabi ng LTO na tinutukoy na nila ngayon ang pagkakakilanlan ng may-ari ng SUV.
“Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan kami sa DOTr-SAICT para sa mas detalyadong impormasyon ng puting SUV na makakatulong sa pagtukoy ng rehistradong may-ari. Tinitiyak namin sa publiko na nagpapalabas kami ng show cause order sa rehistradong may-ari at sa driver ng SUV na sangkot sa lalong madaling panahon para mapaliwanag nila ang sunod-sunod na mga paglabag na aming natukoy batay sa umiiral na mga batas at regulasyon, kabilang ang hindi pagsunod sa traffic signs at maling tao na nag-ooperate ng sasakyan,” dagdag pa nila.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang LTO sa Office of Senate President Chiz Escudero upang isumite ang lahat ng impormasyong makukuha ng ahensya mula sa imbestigasyon hinggil sa insidente.
Binanggit ng mga opisyal ng LTO na dalawang LTO plates lamang ang ibinibigay kada sasakyan, isa sa harap at isa sa likod. Kailangang mag-request ang mga senador sa LTO, na nangangailangan ng mga pangunahing dokumento ng sasakyan, kabilang ang official receipts at certification of registration.
Hinimok ni Escudero ang pamunuan ng LTO na tukuyin ang may-ari o gumagamit ng sasakyan at ipaalam ito sa Senado sa lalong madaling panahon.
Pinuri rin ng Senate President sina Barnachea at Reyno sa pagpapanatili ng kanilang kalmadong disposisyon at pagiging magalang sa kabila ng mga sitwasyong kanilang naranasan.