Isang kumpol ng ulap sa Pacific Ocean ang nabuo bilang isang low-pressure area (LPA), ayon sa state weather bureau na PAGASA. Ang LPA ay matatagpuan humigit-kumulang 2,040 kilometro silangan ng Eastern Visayas as of 3 a.m. nitong Biyernes.
Ayon sa PAGASA, hindi inaasahan na papasok ang LPA sa Philippine Area of Responsibility (PAR) o maging isang bagyo sa loob ng susunod na 24 oras.
Gayunpaman, ang Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, Bangsamoro, Davao Oriental, Davao Occidental, at Davao del Sur ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), isang banda ng mga ulap na maaaring magdulot ng pag-ulan.
Ang Visayas, Palawan, at ang natitirang bahagi ng Mindanao ay magkakaroon din ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dahil sa ITCZ. Samantala, ang Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan dahil sa easterlies, na mga mainit na hangin na nagmumula sa Pacific Ocean.
Para sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, posible ang localized thunderstorms, ayon sa PAGASA.