Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang 17 Chinese nationals matapos ang isinagawang raid sa isang resort sa Tagaytay City, partikular sa Barangay Francisco. Ayon sa ulat, ang operasyon ay isinagawa ng NBI Cybercrime Division matapos makatanggap ng tip mula sa isang Chinese na biktima umano ng torture sa nasabing lugar. Ang biktima ay nasagip ng mga awtoridad.
Sa pagpasok ng NBI sa resort, natuklasan nilang may mga computer workstations at mga cellphone na ginagamit diumano para sa online gambling activities o POGO.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni NBI Director Jaime Santiago ang mga ebidensyang nakuha sa raid. Ayon sa kanya, ang mga cellphone ay ginagamit ng mga suspek para sa pag-transfer ng pera at cryptocurrency. Dagdag pa niya, ang biktima ay nakaranas ng pambubugbog at pagkuryente dahil nais na nitong kumalas mula sa grupo.
Kasama sa naaresto ang 17 Chinese nationals, kabilang ang apat na babae. Samantala, ang biktima ay nakatakdang maghain ng reklamo laban sa mga suspek.
Ayon sa barangay, wala silang kaalaman na may operasyon ng POGO sa resort at ikinagulat nila ang balitang may nagaganap na torture doon.
Ibinahagi ni Barangay Captain Ariano Ferma na ang resort ay matagal nang ginagamit para sa mga pribadong event, ngunit noong nakaraang buwan lamang naupahan ng mga suspek. Napansin din niya na naging mailap ang mga tao sa resort, at hindi pinapapasok ang ibang tao dahil diumano sa pagiging "private property" nito.
Dahil sa insidente, pansamantala munang ipatitigil ng barangay ang operasyon ng resort. Maghihigpit din sila sa pagbabantay upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.
Patuloy naman na kinukuha ng ABS-CBN News ang pahayag ng may-ari ng resort para sa kanilang panig.