Isang 23-anyos na rider mula Meycauayan, Bulacan ang nasawi matapos sumemplang ang kanyang motorsiklo at masagasaan ng isang 16-wheeler truck sa Aguinaldo Highway, Dasmariñas, Cavite, nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay Police Master Sergeant Richard Domingo ng Dasmariñas Police, papunta sana sa Tagaytay ang biktima upang makipagkita sa mga katrabaho. Wala raw itong angkas nang mangyari ang aksidente.
Batay sa imbestigasyon, bumangga ang motorsiklo ng biktima, isang Honda Click, sa isang nakahintong Yamaha motor dahil sa traffic light. Parehong sumemplang ang mga motorsiklo, at tyempong parating ang 16-wheeler truck na hindi huminto sa stoplight, dahilan upang masagasaan ang rider.
Kitang-kita sa CCTV footage ang mabilis na pagtakbo ng truck bago nito masagasaan ang biktima, na agad na namatay dahil sa insidente.
Ayon sa truck driver, hindi niya namalayan ang nangyari dahil nakatutok siya sa mga kasamang truck sa convoy. Papunta sana ang driver mula Novaliches, Quezon City patungong Calaca, Batangas para kumuha ng bakal.
Ang truck driver ay nakakulong na ngayon at haharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties.