Isang motorista ang nahaharap ngayon sa posibleng pagkakawala ng lisensya matapos mahuli umano na nagmamaneho ng lasing sa Bonifacio Global City (BGC). Ang insidente, na nakuhanan ng video at mabilis na kumalat sa social media, ay agad na nakaabot sa atensyon ng Land Transportation Office (LTO).
Si LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ay nagpahayag ng pagkadismaya matapos mapanood ang viral video. Makikita sa footage ang driver at isa pang kasama na tila hindi sumusunod sa mga batas-trapiko.
"Ito ay isang iresponsableng gawain na naglalagay sa peligro ng buhay ng ibang motorista. Mabuti na lang at walang aksidente na nangyari," sabi ni Mendoza sa isang pahayag. "Hindi natin palalampasin ang ganitong klase ng asal sa kalsada kaya't naglabas tayo ng Show Cause Order (SCO) laban sa may-ari ng sasakyan at sa driver," dagdag pa niya.
Ang SCO, na nilagdaan ng LTO Intelligence and Investigation Division head na si Renante Militante, ay nag-uutos sa driver—isang residente ng Sta. Mesa, Manila—na magpakita sa LTO Central Office sa Oktubre 15. Kinakailangan din nilang magpasa ng isang sulat kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa reckless driving (Sec. 48 ng R.A. 4136), pagmamaneho nang lasing (Sec. 53 ng R.A. 4136), at pagiging "improper to operate a motor vehicle" (Sec. 27(a) ng R.A. 4136).
Kapag napatunayang may sala, maari siyang maharap sa pinakamabigat na parusa na revocation ng lisensya.
Ang imbestigasyon ay nagmula sa viral video na ipinost ng "Hombre Estu" na pinamagatang "Drunk Driving at BGC," na kuha noong Setyembre 23 sa kahabaan ng 7th Avenue sa Bonifacio High Street. Ayon kay Militante, ang motorista ay nagmamaneho nang pasalungat sa one-way street at gumawa ng mapanganib na pagmamaniobra.
Babala rin ng SCO na ang hindi pagdalo sa hearing o hindi pagsusumite ng sulat ay ituturing na pag-waive sa karapatang ipagtanggol ang sarili. Desisyon na lang ang gagawin batay sa ebidensyang magagamit, at pansamantalang nakabinbin ang lisensya at sasakyan ng motorista para sa masusing imbestigasyon.