Ipinahayag ng asawa ng isang biktima ng extrajudicial killing (EJK) ang kanyang saloobin kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Jane Lee, asawa ng EJK victim na si Michael Lee, ito ay isang hakbang palapit sa hustisya na matagal na nilang hinihintay.
"May naririnig na ako na aarestuhin daw siya pero hindi ako makapaniwala. Pero nang makumpirma kong totoo, talagang napatalon ako sa tuwa," ani Jane sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Ngunit ayon sa kanya, hindi pa rito nagtatapos ang laban nila para sa hustisya.
"Alam namin na mahaba pa ang proseso bago namin makuha ang katarungan na hinihintay namin," dagdag pa niya.
Naging emosyonal din si Jane nang ikumpara niya ang nangyari sa kanyang asawa sa naging pag-aresto kay Duterte.
"Buti pa siya, inaresto. Yung asawa ko, basta na lang binaril at pinatay," aniya.
Bagamat may bahagyang ginhawa sa pag-aresto kay Duterte, sinabi ni Jane na hindi pa rin nito mapapalitan ang sakit at pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
"Kahit maging matagumpay ito, kami pa rin ang talo. Nawalan kami ng asawa, ng ama, at ng mga pangarap," pagtatapos niya.