Ang Dubai Chocolate, isang popular na chocolate bar na puno ng knafeh, pistachio cream, at tahini spread, ay naging dahilan ng global pistachio shortage. Sa mga nakaraang taon, ang chocolate bar na ito ay naging viral matapos i-upload ng TikToker na si Maria Vehera ang video ng kanyang pagtikim nito. Ang video ay nakakuha ng milyong views at naging sanhi ng pagtaas ng demand para sa Dubai Chocolate, kaya’t maraming chocolatiers ang nagsimulang gumawa ng katulad na produkto. Dahil dito, naging mataas ang pangangailangan sa pistachio, isang sangkap ng chocolate na karaniwang mula sa U.S. at Iran.
Ayon kay Giles Hacking, isang nut trader, tumaas ang presyo ng pistachio mula $7.65 (PHP 433) hanggang $10.30 (PHP 583) per pound dahil sa kakulangan sa supply. Sa kabila ng mataas na demand para sa Dubai Chocolate, may epekto rin ang mababang supply ng pistachio mula sa U.S. noong 2024. Ang mga Iranian pistachio producers ay nakapag-export ng 40% na higit pa sa regular nilang export sa UAE mula Oktubre 2024 hanggang Marso 2025, kumpara sa nakaraang taon.