
Inaresto ng CIDG ang tatlong Chinese nationals at isang Pinoy matapos mahulihan ng mga unregistered beauty products na nagkakahalaga ng P4.27 million sa Malabon. Ayon kay Maj. Gen. Nicolas Torre III, direktor ng CIDG, nagsampa na ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act.
Ang mga suspek ay kilala sa kanilang mga alias na Kevin, Leo, at Yin, habang ang kanilang kasabwat na Pilipino ay nakilalang si Angelito. Nahuli sila sa isang entrapment operation sa Barangay Maysilo noong April 22. Ayon sa mga awtoridad, ipinagbibili nila ang mga acne spot treatment at ibang beauty products na walang sertipikasyon mula sa FDA.
Nasamsam mula sa kanila ang 30 kahon ng acne spot serum. Sinabi ni Torre, "Napigilan namin ang pagbebenta at kalakalan ng mga unregistered beauty products na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko." Hinimok din ng mga pulis ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga health at beauty products.