
Nahuli ng mga awtoridad sa Baguio City ang isang babae na nagpanggap bilang retired judge at ang kasabwat niyang fixer. Sila ay nangikil ng malaking halaga ng pera mula sa mag-asawang senior citizen na may kaso sa lupa sa Isabela.
Ayon sa mga biktima, lumapit sa kanila ang isang middleman na nagsabing may kilala siyang judge na makakatulong daw sa kaso nila. Nanghingi ito ng P30,000 na paunang bayad para umano sa “slot” ng kaso, at kalauna’y humihingi pa ng dagdag na bayad hanggang sa umabot sa P200,000.
Dahil sa sunod-sunod na hingi ng pera, nagduda ang mga biktima. Nakumpirma nila mula sa isang kakilala sa prosecutor’s office na hindi totoo ang pagkakakilanlan ng judge. Nakilala rin nila ang tunay na judge na sinabing ginagamit lamang ang kanyang pangalan.

Nagplano ang NBI ng entrapment operation kung saan unang nahuli ang fixer. Kalauna’y sumunod ang nagpapanggap na judge matapos kunin ang balanse sa mga biktima. Nadagdagan pa ang reklamo laban sa kanila nang tatlo pang biktima ang lumutang.
Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kasong robbery-extortion at cyber libel. Paalala ng NBI, mas mainam pa rin na dumaan sa legal na proseso para makatiyak na nasa ayos ang lahat.