Nag-viral online ang bagong bukas na 7-Eleven sa Camalig, Albay dahil sa napakagandang tanawin ng Bulkang Mayon sa likod nito. Maraming netizens ang nagsabing para itong Philippine version ng Mt. Fuji at Lawson store sa Japan.
Isang litrato ng convenience store na may tanawing Mt. Mayon ang in-upload noong Abril 19. Dahil sa perfect na anggulo, tahimik na paligid, at tamang liwanag, nakuhanan ito ng napakagandang larawan. Ayon sa kumuha ng litrato, hindi niya ito plinano, pero sakto ang pagkakataon.
Ang lokasyon ng 7-Eleven ay sa may Salugan, Camalig, Albay, malapit sa Phoenix gas station at Camalig Bypass Road. Madali itong puntahan kaya maraming tao ang interesado ngayong bisitahin ito.
Sa social media, umani na ng libo-libong likes, shares, at comments ang litrato. Marami ang nagsasabing akala nila ay photoshopped ito sa sobrang ganda ng view, pero totoo pala ito sa Pilipinas.
Naging instant photo spot ang lugar at patok na patok ngayon sa mga gustong makakuha ng IG-worthy na kuha. Kung naghahanap ka ng bagong lugar na puntahan, baka ito na ang susunod sa bucket list mo!