Iniimbestigahan ngayon ng PNP ang isang kaso ng umano’y “kidnap me” na kinasasangkutan ng isang Chinese sa Maynila. Ayon kay Col. Randulf Tuaño, isang 41-anyos na Chinese ang naiulat na dinukot noong Abril 17 kapalit ng P500,000 ransom.
Nahuli ang dalawang suspek — isang Taiwanese at isang Filipino — sa Parañaque noong Abril 22. Sa imbestigasyon, lumabas na mismong ang biktima ang nagbigay ng instruction sa kanyang mga katrabaho na i-convert ang ransom sa cryptocurrency at ipadala ito sa isang crypto account.
Dagdag pa ni Tuaño, nakakapagtaka dahil sa halip na ang mga suspek ang humingi ng pera, ang biktima mismo ang nag-utos kung paano ito ibibigay. Pati ang pagpapaalam sa opisina na mawawala siya ng 2-3 araw ay utos rin umano ng biktima. Dahil dito, mas lumalakas ang hinala na palabas lang ang pagkidnap.
Pinalaya ang biktima noong Abril 20 pero tumanggi na itong makipagtulungan sa PNP. Ayaw rin daw nitong magsampa ng reklamo kaya mas pinaghihinalaan ng pulisya na isang "kidnap-me" ang nangyari. Patuloy pa rin ang pag-uusap ng PNP sa kumpanya at mga taong sangkot sa insidente.