
Nahuli ng mga awtoridad ang isang lalaki na nagtangkang ilabas ng bansa ang dalawang babae papuntang Cambodia. Ayon sa ulat ng NBI, kunwari ay magkakaibigan ang tatlo at magbabakasyon lang sa Hong Kong nitong Semana Santa.
Pero nahalata ng immigration officer na hindi totoo ang kwento nila. Napansin din na hindi pare-pareho ang mga sagot nila sa interview. Kaya isinailalim sila sa masusing imbestigasyon at dito nila inamin ang totoo.
Ang totoo, papunta talaga sila ng Cambodia dahil may nag-recruit sa kanila para maging encoder at call center agent. Pero ayon sa NBI, sa likod ng alok na trabaho ay ang pagtatrabaho sa scam hub. Kapag nasa Hong Kong na, may sasalubong daw sa kanila papuntang Cambodia.
Ang lalaki ay sinampahan ng kasong illegal recruitment at paglabag sa Anti-Human Trafficking Law. Paalala ng NBI, iwasan ang mga alok online na may malaking sahod, lalo na kung pupunta sa Cambodia, Laos, o Thailand, dahil maraming naloloko at naaabuso.