Nahinto na ang filming ng ‘Knock Off’, ang Disney+ series na pinagbibidahan ni Kim Soo Hyun, dahil sa lumalalang isyu na kinahaharap ng aktor. Noong Abril 23, kinumpirma ng mga taga-industriya na sinabihan na ang mga cast at crew tungkol sa indefinite suspension ng shoot.
Nagsimula ito matapos ang mga akusasyon tungkol sa diumano’y relasyon ni Kim Soo Hyun kay Kim Sae Ron noong menor de edad pa ito. Kasama rin sa isyu ang umano’y pagpilit ni Kim Soo Hyun kay Kim Sae Ron na bayaran ang kanyang utang gamit ang resources ng agency ng pamilya ng aktor. Mariin itong itinanggi ni Kim Soo Hyun at naglabas pa siya ng isang emosyonal na press conference upang igiit ang kanyang kawalang-kasalanan.
Bagamat tapos na umano ang 18-episode script ng ‘Knock Off’, at halos matatapos na ang shooting, nagdesisyon na ang production team na ihinto muna ang lahat. Marami sa mga aktor at crew na on standby ay lumipat na rin sa ibang proyekto.
Hindi pa naman tuluyang kinakansela ang show. Sabi ng mga tagaloob ng industriya, nakadepende raw sa resulta ng kaso laban sa YouTube channel na Garo Sero Institute, kung saan nagmula ang mga paratang, ang magiging kapalaran ng ‘Knock Off’. Si Kim Soo Hyun ay kasalukuyang nagsampa ng 12 billion KRW lawsuit laban sa mga sangkot.