Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa gilid ng isang kanal sa Barangay Cupang, Antipolo, noong Miyerkules ng madaling-araw. Ayon sa mga awtoridad, isang residente ang nakakita sa katawan ng lalaki na duguan ang ulo, bandang alas-2:25 AM. Agad dumating ang mga tauhan ng barangay at pulisya sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon.
Sa CCTV footage mula sa barangay, makikitang naglalakad ang apat na lalaki sa Purok 4. Maya-maya, maririnig na may nagsabi ng "please wala akong kasalanan," kasunod ng tatlong putok ng baril. Pagkalipas ng ilang minuto, tatlo na lang ang mga lalaki na naglakad palayo mula sa lugar.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente, ngunit kinumpirma ng mga residente ng barangay na hindi taga-roon ang biktima.