Umabot sa 1,800 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang malalaking sunog sa Port Area at Tondo, Maynila kahapon.
Sa Barangay 650, Port Area, tinupok ng apoy ang 200 bahay sa loob ng halos pitong oras, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). Samantala, sa Barangay 123, Tondo, nasunog ang 500 bahay sa loob ng siyam na oras, at tinatayang P10 milyon ang halaga ng pinsala.
Sinabi ng BFP na 300 pamilya ang naapektuhan sa Port Area, habang 1,500 pamilya naman sa Tondo ang nawalan ng tirahan.
Nagsimula ang sunog sa Port Area alas-12:03 ng madaling araw, at sa Tondo alas-1:55 ng umaga. Umabot sa 51 firetrucks at rescue trucks ang rumesponde. Sa ngayon, pansamantalang tirahan ang itinayo ng lokal na pamahalaan gamit ang bakal at trapal, habang tiniyak nilang may libreng pagkain at pinansyal na tulong sa mga biktima araw-araw.