Pumanaw si Sophie Nyweide, isang dating child actress na lumabas sa mga pelikulang Mammoth, Noah, at An Invisible Sign, noong Abril 14 sa edad na 24. Kinumpirma ito ng kanyang pamilya sa isang online obituary.
Ayon sa kanilang pahayag, si Sophie ay isang mabait at mapagkatiwalaang babae. Dahil dito, madalas siyang naaabuso ng ibang tao. Mahilig siyang magsulat at gumuhit, at ang mga ito ay nagpapakita ng kanyang malalim na emosyon at mga pinagdaanang sakit. Kahit marami ang nagtangkang tumulong sa kanya—mga kaibigan, pamilya, therapist, at awtoridad—hindi siya naisalba sa kanyang kapalaran.
Ayon pa sa pamilya, madalas sabihin ni Sophie na kaya niyang harapin mag-isa ang kanyang pinagdaraanan, at patuloy siyang umiwas sa gamutan na sana'y makapagligtas sa kanya. Dahil dito, siya ay nag-self medicate para takasan ang kanyang trauma at hiya, na naging dahilan ng kanyang pagpanaw.
Abril 19, natagpuan ang kanyang katawan sa may tabing-ilog sa Vermont, malapit sa isang makeshift shelter. Ayon sa pulisya, hindi siya naninirahan doon ngunit nakita siyang kasama ng ilang tao bago siya mamatay. Isa sa mga nakasama niya ay isang lalaking hindi itinuturing na suspek.
Hindi pa tiyak ang sanhi ng kamatayan ni Sophie, at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na may foul play. Si Sophie ay unang gumanap sa pelikulang Bella noong 2006 at nagtuloy-tuloy ang kanyang karera sa mga pelikula noong 2000s hanggang kalagitnaan ng 2010s.