Isang 12-anyos na dalagita ang sugatan matapos saksakin gamit ang screwdriver at nakawan ng cellphone habang nakapila sa labas ng isang TV network sa Mandaluyong City para humingi ng tulong.
Ayon sa imbestigasyon, biglang hinablot ng suspek ang cellphone ng biktima at agad itong sinaksak. Naganap ang insidente sa Reliance Street, habang naghihintay ang dalagita sa pila.
Mabilis na naisugod sa ospital ang bata at kasalukuyan na siyang nasa maayos na kalagayan.
Nahuli naman agad ng Mandaluyong Police ang suspek sa basement parking ng nasabing gusali.
Napag-alaman din na ilang araw nang minamanmanan ng suspek ang pila ng mga humihingi ng tulong bago nito isinagawa ang krimen. Ang halaga ng nanakaw na cellphone ay tinatayang nasa ₱5,000.