
Isang mag-asawa mula sa Jacksonville, sina Deja Rollins at Justin Rollins, ay hinatulan ng 70 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa dalawa nilang anak at pangaabuso sa isa pa. Ayon kay Prosecuting Attorney Will Jones, umamin sila sa dalawang kaso ng second-degree murder at isang kaso ng domestic battery.
Ang hatol ay kaugnay ng pagkamatay ng 2-taong gulang at 3-taong gulang nilang anak dahil sa matinding malnutrisyon. Ang 4-taong gulang na bata naman ay nakitaan ng mga pisikal na sugat pero nakaligtas.
Noong Hulyo 7, 2024, rumesponde ang mga awtoridad sa ulat ng pangaabuso at kapabayaan. Nadala sa ospital ang 3-taong gulang na bata na may sintomas ng heat exhaustion, na naging dahilan ng pag-aresto sa mag-asawa.
Habang iniimbestigahan, natuklasan ng mga pulis na may apat silang anak na edad 2 hanggang 10, at natagpuan ang mga ito sa loob ng sasakyan sa parking lot ng ospital. Ayon kay Jones, isa ito sa pinakamalungkot na kasong nahawakan ng kanyang opisina.
Dagdag ni Jones, pangunahing layunin nila ang proteksyon ng mga bata. Nakipagtulungan ang mga lokal at state na awtoridad at mga health official para mapanagot ang mga gumawa ng krimen.