
Philippine Navy ay itinanggi ang sinabi ng China na pinalayas nila ang barkong Apolinario Mabini sa Panatag Shoal (Scarborough). Ayon sa China, pumasok daw ang barko sa lugar nang walang pahintulot, kaya’t agad nilang binantayan, minonitor, binalaan, at pinalayas ito.
Pero ayon kay Commodore Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Navy para sa West Philippine Sea, ito ay isa na namang propaganda ng China para sa sarili nilang audience. Iginiit niya na Philippine Navy at ibang PH law enforcement ships lang ang may karapatang magpatrolya sa ating maritime zones.
Sinopla rin ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pahayag ng China na nagpaalam daw ang Pilipinas sa pagpunta sa Ayungin Shoal. Ayon sa task force, hindi kailangan ng permiso mula sa China dahil ang lugar ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Sabi ng National Security Council, ang sinabi ng China ay maling impormasyon para palabasing may kontrol sila sa Ayungin. Pero hindi ito kinikilala ng Pilipinas at sinabing hindi kailangan ng anumang basbas mula sa China para sa resupply missions.
Samantala, tuwa si President Marcos sa bagong label na West Philippine Sea sa Google Maps. Sabi ng Malacañang, ito ay palatandaan ng global recognition sa karapatan ng Pilipinas sa lugar. Ang label ay tumutukoy sa bahagi ng South China Sea na kasama sa ating 200-nautical mile EEZ.
Naipasa rin ang Philippine Maritime Zones Act para malinaw na tukuyin ang ating mga dagat na sakop. Ayon sa gobyerno, mas naipapakita sa buong mundo na ang West Philippine Sea ay sakop ng batas at desisyong pandaigdig, lalo na ang 2016 arbitral ruling laban sa nine-dash line ng China.