
Puwede na ulit bumiyahe papuntang Taiwan ang ilang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas para sa investment at trade purposes. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang bagong guidelines ay ginawa para ma-maximize ang opportunities sa mga priority investment areas ng bansa.
Base sa Memorandum Circular No. 82, pinirmahan ito noong April 15, 2025, para baguhin ang dating travel restriction mula pa noong 1987 na nagbabawal sa mga opisyal na bumisita sa Taiwan o tumanggap ng bisita galing doon. Noon, ito ay dahil sa One-China Policy kung saan kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang sole legal government ng China, at kasama ang Taiwan bilang parte ng teritoryo nila.
Ngayon, allowed nang bumisita ang PH officials para sa economic, trade, at investment matters, pero gamit lang ang ordinary passport at hindi sila pwedeng gumamit ng official title. Kailangan din nilang magpaalam at makipag-coordinate sa MECO (Manila Economic and Cultural Office) bago bumiyahe.
Ang MECO ang tumatayong de facto embassy ng Pilipinas sa Taiwan at tumutulong sa mga projects at programs para sa investment, tourism, education, at science and tech. Kung may darating namang delegation mula Taiwan, kailangang ipaalam ito sa MECO five days before at magsumite ng travel report pagkatapos.
Importante rin na hindi muna pipirma ng kahit anong agreement o MOU kasama ang mga Taiwanese group nang walang go signal mula DFA at Office of the President.