
Malungkot ang buong showbiz world sa pagpanaw ni Nora Aunor, kilala bilang Ate Guy, na namatay noong Miyerkules ng gabi, bandang 10:00 p.m. ayon sa anak niyang si Ian de Leon. Pumanaw siya matapos ang isang medical procedure, at ayon sa doktor, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay acute respiratory failure.
Dahil sa pagiging isang National Artist for Film and Broadcast Arts, nakatakda ang necrological service sa Metropolitan Theater sa ganap na 9:00 a.m. sa Martes, kasunod ang isang state funeral. Nauna na siyang binigyan ng military salute ng isang sundalo mula sa AFP noong Huwebes.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Ian ang huling mensahe ni Ate Guy bago siya pumanaw:
"Anak, pakihalik ako sa mga apo ko. Sabihin mo na mahal na mahal ko sila."
Kasama ang kanyang mga anak na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth nang malagutan siya ng hininga sa ospital.
Doble ang bigat ng lungkot para kay Janine Gutierrez, na apat na araw pa lang ang pagitan sa pagpanaw ng lola niyang si Pilita Corrales (April 12) at ngayon naman si Lola Nora (April 16). Sa kabila ng matinding lungkot, nakaalalay sa kanya si Jericho Rosales.
Kasama sa mga unang dumalaw sa burol sa Heritage Park, Taguig ay si Vilma Santos, dating karibal ni Ate Guy sa industriya pero kapwa respetado at minahal ng publiko. Hanggang 4:00 p.m. lang ang public viewing, at dagsa ang mga Noranians na gustong magbigay-pugay sa Superstar.