Isang babae ang namatay at dalawang tao ang nasugatan sa nangyaring sunog sa Alpsville 3 Subdivision, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City nitong Linggo ng umaga, Abril 20.
Sa interview ng Brigada News FM Lucena kay Fire Officer 01 Quelvin Paul Beatriz ng Bureau of Fire Protection Lucena, sinabi niya na natanggap nila ang tawag tungkol sa sunog bandang 10:12 AM. Naapula ito ng mga bumbero sa oras na 10:48 AM.
Wala pa umanong linaw kung saan nagsimula ang apoy at hindi pa rin matukoy kung magkano ang halaga ng mga nasunog na gamit o bahay.
Nagbigay paalala si FO1 Beatriz sa mga residente na maging alerto sa ganitong sitwasyon. Dapat daw agad tumawag sa fire station kapag may naamoy na sunog at iwasan ang pagsusunog ng mga bagay na pwedeng magdulot ng apoy.
Laging unahin ang kaligtasan, at siguraduhing laging handa sa mga emergency na ganito.