
Sa bahay nila sa Cainta, Rizal, patuloy ang paghihintay ni Marimar Deogrades ng balita mula sa Occidental Mindoro. Nawawala pa rin ang mister niya na si Mark Deogrades, isang 32-year-old safety officer ng MV Hong Hai 16, na lumubog nitong Holy Tuesday bandang alas-5 ng hapon ayon sa Philippine Coast Guard.
Ayon kay Marimar, huling alam niyang oras ng kainan ng crew ay bandang 5:00 or 6:00 p.m., kaya feeling niya, wala ang mister niya sa cabin nung nangyari ang insidente.
Gusto sana niyang pumunta sa incident command post sa Barangay Malawaan, pero wala siyang lakas dahil isa siyang dialysis patient. “Kakalabas ko lang ng hospital, tumaas BP ko, muntik na ko mahimatay kahapon,” sabi niya.
May dalawang anak sina Mark at Marimar – isang 8 years old at 2 years old. Hawak na lang ni Marimar ang dasal at pag-asa na makita pa si Mark. “Siya lang bumubuhay sa amin. Ang tagal na niyang nawawala. Sana kahit bangkay, makita na siya,” umiiyak niyang pahayag.
Umabot na sa 9 ang confirmed dead sa trahedya. Dalawang katawan ang nahanap kahapon sa loob ng barko — isa sa cargo hold no. 1, at isa sa monitoring room. Halos hindi na makilala ang mga narekober na katawan. Patuloy ang search and rescue operations para sa dalawa pang nawawalang crew.