
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo na umakyat na sa 9 ang bilang ng mga nasawi mula sa lumubog na MV Hong Hai 16 malapit sa Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro.
Ayon kay Lt. Jr. Grade Kenneth Bongabong, Commander ng PCG Occidental Mindoro, dalawa pa ang nawawala at tuloy-tuloy pa rin ang search and rescue operations. “Simula nung aksidente, 9 na ang kumpirmadong patay at 2 pa ang nawawala,” sabi niya sa interview sa Teleradyo Serbisyo.
Mayroong 25 na crew members ang barko – 13 Pinoy at 12 Chinese nationals. Hindi muna pinangalanan ang mga nasawi habang di pa nakakausap ang mga kamag-anak.
Nangyari ang insidente noong Holy Tuesday habang nagda-dredge ng buhangin ang barko sa may 100 meters mula sa baybayin ng Barangay Malawaan.
Patuloy ang paghahanap gamit ang underwater search at seaborn patrol. Nandiyan din ang tulong mula sa DENR para sa shoreline operations, lalo na kung may tumagas na langis sa dagat.
Noong Sabado, inanunsyo ng Provincial Government ng Occidental Mindoro na ipapatigil ang operasyon ng Bluemax Tradelink, Inc., ang kumpanyang nagda-dredge sa Lumintao River. Ayon kay Gov. Eduardo Gadiano, maglalabas sila ng cease-and-desist order sa Lunes at inutusan din niya ang may-ari ng barko, ang Keen Peak Corp., na simulan ang pag-alis sa MV Hong Hai 16 sa lugar.