
Maria Louise Ragojo ay halos mawalan ng buhay matapos kumain ng hipon bago ang kanyang night jog. Kwento niya sa viral na Facebook post, kumain siya ng 9 piraso ng hipon na niluto sa lime soda at oyster sauce bandang 6:20 p.m. Kinagabihan, habang tumatakbo, bigla siyang nakaramdam ng kakaibang pangangati, paghapdi sa balat, at pamamaga ng mukha.
Hindi nagtagal, nahirapan na siyang huminga, namutla, at nagkulay asul ang kanyang mga kamay at paa. Mabilis siyang dinala sa ospital, kung saan nalaman na siya pala ay inatake ng anaphylaxis, isang malubhang allergic reaction na puwedeng ikamatay kung hindi agad naagapan. Ayon kay Ragojo, “Hinang-hina ako, hindi ako makapagsalita. Dun ko na-realize, life and death na ’to.”
Paliwanag ng isang doktor, ang anaphylaxis ay puwedeng mangyari mula sa pagkain, gamot, alikabok, at kahit ehersisyo. Dapat daw huwag balewalain kahit simpleng sintomas, tulad ng rashes o pangangati. Minsan, ang pagpunta agad sa ospital ang makakaligtas ng buhay.