Nag-viral ang isang pari sa Cainta, Rizal matapos siyang mapikon habang pinapaalis ang mga nagtitinda ng palaspas sa loob ng simbahan. Sa isang 41-second video, maririnig ang pari na paulit-ulit na sinasabi: “Sa labas! Lalabas o hindi?”
Ayon sa kwento ng simbahan, ilang beses nang sinabi ng maayos at maaga pa sa mga tindera na bawal magbenta sa loob ng church compound, pero may ilan pa rin na hindi sumunod. Kaya raw napuno ang pari, lalo na’t napagsabihan na sila mula pa umaga. May nagsabi rin na inunahan pa ng masama ang pari, pero hindi ito kasama sa video.
Hati ang opinyon ng netizens. May nagsabi na parang hindi makatao ang naging tono ng pari. Pero may iba rin na umintindi sa sitwasyon, sinabing tao lang din ang pari at baka naman ilang beses na siyang nagpaalala bago siya napuno.
Naglabas ng pahayag ang St. Francis of Assisi Parish, humihingi ng paumanhin sa mga nasaktan o naguluhan, lalo na’t nangyari ito sa Palm Sunday. Ayon sa kanila, hindi buo ang video at kulang sa konteksto, kaya hindi ito dapat husgahan agad.
Hiniling ng simbahan na itigil na ang pag-share ng video para maiwasan ang gulo at pagkakawatak-watak. Sa halip, ipagdasal daw ang pagkakaisa at kapayapaan. Inaasikaso na raw nila ang sitwasyon internally, at bukas sila sa usapan at pag-aayos sa mga naapektuhan.
Ang mga palaspas na binebenta ay karaniwang nasa presyo ng ₱20 hanggang ₱100, pero ang respeto at kaayusan sa simbahan ay priceless.