
Isang 66-anyos na lola ang nasagasaan ng truck habang tumatawid sa F. Parcon Street, Pototan, Iloilo, nitong Martes. Pauwi sana siya mula sa pagbili ng pagkain sa fast food para sa kanyang apo na gagraduate sa elementarya.
Bago mangyari ang aksidente, iniwan muna ng lola ang kanyang apo sa parlor para makapaghanda ito sa graduation. Habang tumatawid siya sa pedestrian lane, biglang dumating ang truck at siya ay nahagip.
Ayon sa driver, hindi niya raw napansin ang lola habang tumatawid. Huminto lang siya nang marinig ang sigawan ng mga tao sa paligid.
Nagtamo ang biktima ng malalalim na sugat sa katawan at nabali ang mga binti. Agad siyang dinala sa ospital, pero idineklarang patay pagdating.
Ang driver ng truck ay nasa kustodiya na ng pulis. Nakikiramay ang buong komunidad sa pamilya ng lola na sana'y nagdiriwang ng graduation ng apo. Ang fast food meal na sana'y aabot ng humigit-kumulang ₱300, naging huling alay na lang niya sa minamahal na apo.