
Itinakbo sa San Jose District Hospital ang 3 Filipino at 2 Chinese crew na na-rescue mula sa tumagilid na MV Hong Hai 16 sa karagatan ng Rizal, Occidental Mindoro nitong Martes ng hapon. Sa kasamaang palad, isang Chinese crew member ang pumanaw dahil sa insidente.
Sa kabuuan, 14 tripulante ang nailigtas, kabilang ang mga isinugod sa ospital. Patuloy naman ang search and rescue para sa 10 nawawalang crew — 7 ay Filipino at 3 ay Chinese. Ayon sa mga awtoridad, maaaring na-trap sila sa engine room ng lumubog na barko.
Ang MV Hong Hai 16 ay may kargang buhangin at pag-aari ng Keen Peak Corp.. Hindi umano alam ng lokal na pamahalaan ang pagdating ng barko, at nalaman lang ito nang i-report ng mga residente.
Naglagay na ang Philippine Coast Guard ng oil spill containment booms sa paligid ng barko para maiwasan ang pagkalat ng langis. Ang posibleng pinsala ay tinatayang aabot sa ₱5 milyon pataas, lalo na kung naapektuhan ang karagatan at kabuhayan sa lugar.