Isang 59-anyos na ina sa Bengaluru, India ang hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong at pinagmulta ng ₱33,200 matapos nitong saksakin at patayin ang sariling 17-anyos na anak na babae dahil sa pagsisinungaling tungkol sa resulta ng kanyang exam.
Ayon sa ulat, sinabi ni Bhimaneni Padmini Rani na pumasa ang anak niyang si Sahiti Shivapriya sa exam at nakakuha ng 95%, pero kalaunan ay inamin ng dalaga na bumagsak siya sa isang subject. Nagsimula ang away nang sinisi pa raw ni Sahiti ang kanyang ina, at sinabi nitong wala raw suporta mula rito.
Dahil sa galit, sinaksak ni Rani ang kanyang anak gamit ang kitchen knife, ngunit nabaluktot ito kaya kumuha pa siya ng dalawang kutsilyo para ituloy ang krimen. Tinangka rin niyang magpakamatay matapos ang insidente, ngunit agad siyang nadala sa ospital.
Pagkatapos gumaling, siya ay inaresto at pansamantalang pinalaya sa piyansa. Ayon sa testimonya ni Rani, nahihiya siya sa mga kamag-anak dahil ipinagyabang niyang pumasa ang anak at papunta na sana ito sa US para mag-aral.
Sa kabila ng nangyari, sinabi pa rin ni Rani na mahal niya ang anak, lalo na’t ito na lang ang kasama niya mula nang pumanaw ang asawa noong 2020. Ngunit inamin din niyang nasaktan siya dahil hindi siya inalagaan ng anak matapos ang kanyang knee surgery.