Nahuli na ng mga pulis ang mga suspek sa brutal na pagpatay sa magpinsang driver ng SUV na ginagamit sa door-to-door service. Unang nahuli ang gunman sa Angono, Rizal, habang ang isa pa ay natunton sa Dasmariñas City, Cavite.
Saludo sa Tagaytay City Police, lalo na sa Intelligence Section, dahil sa matagumpay na CCTV backtracking. Sinundan nila ang mga kuha mula Tagaytay, Alfonso, Lemery, Lipa, Calamba, Santa Rosa hanggang sa Angono para mahanap ang mga salarin.
Nauna nang narekober ang katawan ng unang biktima sa Tagaytay City, habang ang pangalawa ay natagpuan sa masukal na bahagi ng Brgy. Buck Estate, Alfonso, Cavite. Ang SUV naman ay nadiskubre sa San Pascual, Batangas ilang araw matapos ang krimen.
Ayon sa nakaligtas na pasahero, natutulog siya sa biyahe nang magising sa putok ng baril. Pagmulat niya, nakatutok na ang baril sa driver. Ipinilit ng mga suspek na holdap ito, at pinilit silang bumaba. Isinalaysay pa niya na may pangatlong lalaki na sumakay para magpatuloy mag-drive ng SUV. Bandang alas-tres ng madaling araw, ibinaba siya sa may mall sa Lipa, Batangas.
Nang makauwi siya, agad siyang dumiretso sa Mulanay Police para magsumbong. Ayon sa imbestigasyon, ang motibo sa krimen ay carnapping, dahil target umano ng mga suspek ang SUV. Ang halaga ng SUV ay tinatayang nasa ₱1.2 milyon.