
Nagkaroon ng banggaan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City ngayong Lunes, April 14. Wasak ang isang bus matapos itong bumangga sa truck at madamay ang isang van. Tinatayang 20 pasahero ang sakay ng nasabing bus.
Ayon sa isang pasahero, galing sila ng Angat, Bulacan at patungo sa Monumento, Caloocan. Mabilis umano ang takbo ng bus at nawalan ng kontrol ang driver. Bumangga ito sa truck at dahil sa lakas ng impact, nadamay na rin ang van.
Kasalukuyan nang tumatanggap ng paunang lunas sa ospital ang mga biktima. Wala pang kumpirmadong bilang kung ilan ang nasugatan o kung may nasawi sa insidente.
Iniimbestigahan pa ng Valenzuela Police ang pangyayari para malaman ang totoong dahilan ng aksidente.