Mahigit 14.4 milyon na pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap ngayong unang bahagi ng 2025, ayon sa isang survey na isinagawa nitong Marso. 52% ng mga respondent ang nagsabi na sila ay mahirap, na halos kapareho ng datos noong Enero (50%) at Pebrero (51%).
Bagama’t bumaba ito mula sa 63% noong Disyembre 2024, tumaas naman ang porsyento ng mga nagsabing “hindi mahirap” — umabot ito sa 36%, mula sa 26% noong Disyembre. Ang nagsabing nasa “borderline” o gitna ay nasa 12% hanggang 14%.
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Visayas (62%), kasunod ang Mindanao (60%), Balance Luzon (46%), at Metro Manila (41%). Pinakamaraming nagsabing hindi sila mahirap sa Metro Manila (48%), habang pinakamababa sa Visayas (25%).
Samantala, gutom sa mahihirap na pamilya ay tumaas mula 31.5% noong Disyembre tungo sa 35.6% ngayong Marso. Kasama dito ang 27% na nakaranas ng moderate hunger at 8.5% na nakaranas ng severe hunger.
Ayon sa grupo ng mga magsasaka, karamihan sa mga rice farmers ay mas mababa pa sa poverty line. Kumita lang sila ng P5,951 kada buwan, samantalang ang threshold para sa isang pamilya ng lima ay P12,030. Tumataas ang gastos sa produksyon gaya ng abono at gasolina, habang ang presyo ng palay ay bumababa, minsan umaabot sa P12 kada kilo—kulang pa para mabawi ang puhunan.