Umabot sa 270 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison ang nakatanggap ng libreng legal na tulong mula sa Department of Justice Action Center (DOJAC).
Kasama sa mga nabigyan ng tulong ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga may malubhang karamdaman. Isinagawa ito sa pamamagitan ng “Katarungan Caravan,” isang programang layuning magbigay ng legal na serbisyo sa mga nangangailangan.
Ayon kay DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez, ang programang ito ay hindi lang simpleng serbisyo kundi isang paraan ng pagpapakita ng malasakit at pagmamahal sa kapwa Pilipino.
Pinuri naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang proyekto at ang mga volunteer na abogado at law students na tumulong. “Ipinapakita nito ang ating pagkakaisa para sa hustisya at ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad sa mga legal na adbokasiya,” sabi niya.
Nakipag-partner ang DOJAC sa Integrated Bar of the Philippines (Quezon City at Manila Chapters), San Sebastian College of Law, Polytechnic University of the Philippines, at Philippine Law School upang maisakatuparan ang outreach na ito.