Nakunan ng video ang isang rider na tumangay ng cellphone mula sa 16-anyos na siklista sa Sumulong Highway, Antipolo City, nitong Sabado, pasado alas 7 ng umaga. Sa video, kitang mabilis na tumakas ang rider matapos nakawin ang cellphone na nakasuksok sa t-shirt ng biktima. Sinubukan ng may-ari ng video na habulin ang suspek, pero dahil sa dami ng mga kasabay na motorista, hindi na niya ito tinuloy upang maiwasan ang disgrasya.
Ayon sa biktima, nang hatrakin ang kanyang jersey, wala siyang naisip kundi sumigaw sa takot. "Nanginginig po ako, muntik na po akong bumagsak, parang na-traumatize po kasi ako," kwento ng siklista. Idinagdag pa niya na ang cellphone ay isang birthday gift mula sa kanyang mga magulang kaya't labis ang sakit na nararamdaman niya.
Labis din ang pag-aalala ng ina ng biktima, kaya't dumulog sila sa Antipolo Police matapos ang insidente. "Natakot ako kasi what if sinipa niya yung bike ng anak ko?," sabi ng ina. Ayon kay Police Capt. Alnor Tagara, kasalukuyang tinutukoy ng mga awtoridad ang suspek gamit ang dashcam video at MV number na makikita sa likod ng motorsiklo. Inaasahan nilang matutukoy ang may-ari ng motorsiklo at makakapagharap ng kaso laban sa suspek.
Muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging alerto sa kalsada at mag-ingat sa mga mahahalagang gamit upang maiwasan ang mga ganitong insidente ng nakawan.