
Nangyari ang aksidente noong umaga ng April 13 sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Dalawang tao ang nasawi habang 16 pa ang sugatan matapos tumagilid ang isang lumang jeepney. Kasama sa insidente ang isang modernong jeep at isang TNVS (Transport Network Vehicle Service) na kotse.
Ayon sa CCTV, mabilis ang takbo ng tradisyonal na jeepney at bumangga ito sa likuran ng modernong jeep. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver at tumagilid ang jeep. Ayon kay P/Lt. Allan Erick Bacalzo, sinasabi ng driver na nawalan siya ng control matapos ang banggaan.
Isa sa mga nasawi ay si Marky Angel Pakig, 18 years old, na dapat sana ay mag-e-entrance exam noong araw ng aksidente. Ayon sa kanyang hipag na si Monanessa Basan, "masipag si Marky at gusto niyang makatulong sa pamilya." Hiling ng pamilya na managot ang driver ng jeep sa nangyari.
Sabi ng LTO, ipapatawag nila ang driver at may-ari ng jeep para sa imbestigasyon. Kailangang dalhin ang jeep sa LTO para sa inspeksyon at ipasa ang franchise documents. Pwedeng kasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and injuries.