
Isang 70-anyos na babae sa Missouri, USA, na kinilalang si Brenda Ruth Deutsch, ay naaresto matapos akusahan ng pagpapalit umano ng adopted daughter sa isang unggoy. Ayon sa mga prosecutors, nahaharap siya sa tatlong felony cases gaya ng child neglect, child abuse, at child endangerment.
Si Brenda ay kilala bilang isang foster parent na nag-alaga na ng mahigit 200 bata sa loob ng 15–20 taon. Pero ayon sa Lincoln County Prosecutor na si Mike Wood, may mga witness na nagsabing pinalit daw ni Brenda ang isa niyang ampon sa isang unggoy, at ibiniyahe pa pabalik ng Missouri mula Texas.
Napag-alaman din na ang bata ay ipinadala umano ni Brenda sa isang bahay sa Texas na may maduming kondisyon at walang sapat na supervision mula Enero 1 hanggang Abril 1, 2025. Doon ay iniwan siya para mag-alaga ng exotic animals. May mga report din na sinaktan ng ginang ang bata gamit ang paddle, sapatos, at kamay, at pati mga damit ng bata ay ipinamigay raw bilang parusa.
Ang babae sa Texas na tumanggap sa bata ay iniimbestigahan na rin, pero wala pang charges o arrest. Sinabi nitong gusto lang daw niyang mag-break si Brenda at ang bata, pero ayaw na raw ni Brenda siyang kunin ulit. Nang tanungin, nagsinungaling pa siya tungkol sa kinaroroonan ng bata.
Ngayon, ang ampon ay nasa custody na ng child welfare, at ayon sa prosecutor, okay na ang kalagayan niya. Bukod dito, may iba pang mga dating ampon ni Brenda na lumantad at nagsabing naranasan din nila ang pang-aabuso. Ang bail ni Brenda ay itinakda sa $250,000 o humigit-kumulang ₱14.2 milyon.