Mayoral candidate sa Albuera, Leyte at umaming dating drug personality na si Kerwin Espinosa ay tinambangan habang nangangampanya noong Huwebes, Abril 10. Ayon sa kanya, may death threat na siyang natanggap bago pa ang insidente.
Habang nagpapahinga sa ospital sa Ormoc City, sinabi ni Espinosa na may nagsabi sa isa sa kanyang campaign staff na “hindi daw siya aabot sa eleksyon at baka mamahinga na lang.” Naganap ang pamamaril sa loob ng gymnasium ng Barangay Tinag-an, kung saan may campaign rally ang kanyang grupo.
Tinamaan siya sa kanang bahagi ng dibdib at tumagos ang bala sa kanyang kanang braso. Ayon sa pulisya, mga 50 metro ang layo ng gunman mula sa entablado. Hindi pa tukoy ang uri ng baril na ginamit. Bukod kay Espinosa, tinamaan din sa tenga ang kapatid niyang si Marielle "RR" Espinosa-Marinay, habang isang minor de edad naman ang tinamaan sa balikat.
Iginiit ni Espinosa na hindi scripted ang insidente at tinawag itong “politically motivated.” Ayon sa kanya, may malaking politiko sa likod ng tangkang pagpatay. Dagdag pa niya, ang mga gunman ay mga pulis, hindi ordinaryong tao, at may nakalaan umanong budget sa ambush.
Kinumpirma ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) na si Espinosa talaga ang target ng pamamaril. Patuloy ang hot pursuit operation para mahuli ang mga suspek. Ayon kay Police Colonel Dionisio Apas Jr., gagawin ng pulisya ang lahat para mapanatili ang kapayapaan ngayong eleksyon.