Isang buy-bust operation ng PDEA sa Barangay San Antonio, Parañaque City ang nauwi sa barilan nitong Miyerkules ng hapon, bandang 5 PM. Isa sa mga hinihinalang tulak ng droga ang napatay habang apat na ahente ng PDEA ang nagtamo ng sugat at dinala sa ospital.
Nakumpiska sa operasyon ang 4.2 kilo ng shabu na may tinatayang halaga na P28.56 milyon. Ayon sa ulat, nagkunwaring buyers ang mga operatiba para makipagkita sa mga suspek na kinilalang sina Lala, Allan, Binny, at Sady.
Habang nagaganap ang transaksyon, biglang naglabas umano si Sady ng .45-caliber na baril matapos mapansin na pulis ang kausap. Nauwi ito sa putukan kung saan napatay si Sady. Agad namang naaresto ang tatlo pang suspek.
Bukod sa droga, nakumpiska rin ang mga cellphone, ID, at drug paraphernalia ng mga suspek. Inihahanda na ang kaso ng drug trafficking laban sa kanila.
Samantala, isang hinihinalang miyembro ng sindikato ang naaresto sa Barangay Damayang Lagi, Quezon City matapos mahulihan ng 7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P47,600. Kinilala ang suspek na si Richard Gestopa, 55 anyos, at matagal na umanong under surveillance dahil sa pagtutulak ng droga.